Ang bigote ng Tigre
"Ang Bigote ng Tigre"
Pabula mula sa Korea
Noong unang panahon may isang babae na nagngangalang Yun Ok na nauubos na ang kanyang talas ng isip. Ang kanyang asawa ay palaging malambing at mapagmahal pag umaalis tuwing sasabak sa giyera, ngunit mula nang umuwi ito sa bahay ay laging galit at hindi na maintindihan. Natatakot na siyang manirahan kasama ang kanyang sariling asawa. Makita lamang niya ang anino ng asawa ay iniisip na niyang hindi iyon ang dating asawa na kilala at mahal niya.
Kapag nakakaranas sila ng karamdaman, ang kanilang mga kanayon, madalas nilang takbuhan ang isang ermitanyo na naninirahan sa pusod ng bundok upang humingi ng panlunas. Pero hindi si Yun Ok. Palagi niyang ipinagmamalaki na mapapagaling niya ang kanyang sariling mga problema. Ngunit sa pagkakataong iyon ay iba dahil desperado na siya.
Nang papalapit na si Yun Ok sa kubo ng ermitanyo, nakita niyang bukas ang pinto. Sinabi ng matanda na hindi man lamang lumingon sa kanya, "Naririnig kita, ano ang problema mo?"
Ipinaliwanag niya sa ermitanyo ang sitwasyon. "Nagbago na siya", sinabi ni Yun Ok sa ermitanyo. "Ah oo, madalas na ganoon kapag bumalik ang mga sundalo mula sa giyera. Ano ang inaasahan mong gawin ko tungkol dito?", tanong ng ermitanyo sa babae.
"Gumawa ka ng gayuma!" sigaw ng babae. "O isang anting-anting, inumin, anuman ang kinakailangan upang maibalik ang asawa ko sa dating siya."
Tumalikod ang matanda. "Babae, ang iyong kahilingan ay hindi katulad lamang
ng isang impeksyon sa buto o tainga", paliwanag ng ermitanyo. "Tatagal ng tatlong
araw bago ko pa ito magawa. Bumalik ka pagkaraan noon, "dagdag pa ng ermitanyo.
Makalipas ang tatlong araw, bumalik si Yun Ok sa kubo ng ermitanyo. "Yun Ok,"
nakangiting bati nito sa kanya, "Mayroon akong magandang balita. Mayroong isang
gayuma na ibabalik sa dati ang asawa mo, ngunit dapat mong malaman na
nangangailangan ito ng isang hindi pangkaraniwang sangkap. Dalhan mo ako ng
isang kumo o bigote mula sa isang buhay na tigre", paglalahad ng ermitanyo.